USAPANG KAIBIGAN!
Ang tao hindi mabubuhay mag-isa, nangangailangan ng karamay sa problema at pagsubok sa buhay, isang taong handang dumamay, tumulong at magmahal nang tunay. Marami tayong pwedeng maging kaibigan, yung mga kapamilya at kamag-anak, ang boyfriend o kaya naman ay girlfriend natin, o di kaya yung mga nakilala natin sa buhay habang tumatanda tayo. Pwedeng kaibigan natin simula nang pagkabata, nakilala natin sa eskwelahan, o di kaya sa isang particular na lugar. Ngayon pwede ka ng magkaroon ng kaibigan sa telepono, yung tinatawag nating phonepal, pwede ring penpal, textmate, pwede ka na rin magkaroon ng kaibigan sa internet sa pamamagitan ng chat. Ang daming paraan para magkaroon para magkaroon ng kaibigan anoh?
Maraming klase ng kaibigan sa mundo, iba-iba ang ugali, mga trip, paniniwala at kinalakhan, at pinagdaanan sa buhay. Sabi nila dapat daw namimili ng kaibigan, totoo yun siyempre ayaw mo na mapasama ka sa tropa na kung tawagin ay bad influence di ba? Pero kung halimbawa magkaroon ka ng kaibigan at huli na nang malaman mo na may ginawa siyang masama o may nakaraan siyang hindi maganda, tatalikuran mo ba siya? O tatanggapin mo siya at susubukan mo na tulungan siya na ayusin ang buhay niya? Magagawa mo ba yun para sa isang kaibigan?kung magagawa mo, dakila kayo mga pare at mare...
May kaibigan na nandiyan lang kapag may kailangan sa’yo, ‘pag may hihingin o kaya hihiramin. Minsan naiinis pa nga tayo pagakaganun yung tao, pero siyempre kahit na ganun siya nandun pa rin tayo para sa kanya. Yun nga lang pagkatapos natin maibigay ang mga hinihingi niya may nasasabi pa tayong masama o kaya napipilitan lang. Sabi nila kung ayaw mo at napipilitan ka lang, huwag na; pero siyempre ayaw nating lumabas na masama kaya kahit napipilitan lang, ibibigay pa rin natin ang pangangailangan niya, hanggang sa abot ng makakaya natin, nananaig pa rin ang pagiging kaibigan natin.
Meron namang kaibigan na laging nandiyan para sa’yo at sobrang bait kapag kaharap ka…Pero magugulat ka na lang sinasaksak ka na pala nang patalikod. Kinabukasan hindi mo alam sirang-sira ka na sa buong mundo! Ang bait noh?! Hindi man natin alam ang dahilan kung bakit ka nila gustong pasakitan wala tayong magagawa, kung di niya mapigil ang mga dila nila, isa pa may mga ganung tao talaga sa mundo. Minsan hahantong pa yun sa away, sabunutan, sapakan at kung anu-ano pang jombagan diyan… minsan maggagantihan, magsisiraan pa! Kakaloka talaga! Bakit nga ba kailangan na magkaganon? Hindi ba nasasaktan ka sa ginawa niya? At gusto mo na masaktan din siya kaya sisiraan mo din siya? Sa palagay mo tama ba un?
Meron diyan paminsan-minsan mo lang nakikita at nakakasama pero bawat oras na magkasama kayo masaya, yun bang wala na kayong ibang ginawa kundi magtawanan, magkwentuhan tungkol sa mga buhay-buhay,magkulitan at mag-asaran ng walang humpay! Di ba totoo? Pero minsan, may kaibigan na nandiyan nga, pero parang wala naman! Gets mo?! Yung lagi mong kasama, pero deadma lang sa mga nangyayari, yung tipong iyak ka na ng iyak sa problema mo parang wa-epek, yung parang ok lang lahat at wala siyang pakialam… minsan hindi ko rin maintindihan kung bakit may taong gusto mong makialam at damayan ka, pero wala namang pakialam o pwede ring ayaw lang niya na makialam sa buhay-buhay ng ibang tao di ba? Pero ang mas hindi ko naiintindihan eh kung bakit may taong mahilig makialam na ayaw mo namang makialam sa buhay mo… well, ganun lang talaga sila ka-concerned sau… o di kaya gustong sumagap ng chismis… hehe
May kaibigan pa nga na kahit awayin mo, sabihan mo ng masasama, pasakitan mo na at lahat… ok lang! Kahit nasasaktan na at wala namang ginagawang masama sa’yo nandiyan pa rin para sa’yo. Maaaring tawagin mo siyang TANGA, pero ang alam niya kaibigan ka niya, mahal ka niya at walang makakapagpabago dun. Sa isang barkada di ba may isang taong tampulan ninyo ng asaran? Minsan tuloy hindi natin alam nakakasakit na pala tayo, akala natin ok lang sa kanila dahil kaibigan natin sila di ba?
Meron din namang kaibigan mo na ng matagal pero biglang mawawala… siyempre kanya-kanya nang rason kung bakit…lumipat sa ibang lugar, eskwelahan o di kaya nangibang-bayan, pero alam ng bawat isa na mananatili silang magkaibigan…
Isang taong hindi mo pa nakikita at nakakasama na itinuturing mong kaibigan??? Yan ang mga taong nakikilala natin sa chat, telepono, sulat, at texts. Parang mahirap yata na magkaroon ng tunay na kaibigan sa mga ganung pagkakataon hindi ba? Ngunit makakatagpo ka ng mga taong, walang pag-aalinlangan na tatanggapin ka bilang kaibigan. Masaya na makilala ang mga taong iyon, na ituturing kang kaibigan, mga taong pagkakatiwalaan mo at espesyal para sa’yo, dahil sa puso mo naniniwala ka na sila ay tunay na kaibigan.
Sa totoo lang masarap magkaroon ng kaibigan… Kahit na paminsan-minsan ay may hindi pagkakaunawaan at mga tampuhan, nandiyan pa rin para sa isa’t-isa. Mawala man sila sa buhay mo alam mo kaibigan ka nila at sila ay kaibigan mo… Nagpapasalamat ako dahil meron akong mga kaibigan, mga taong tinuturing kong kaibigan…
Kaibigan, mga taong dumarating at nawawala,ang iba nakakalimutan, ang iba umuukit sa puso… mga taong nakapagpabago sa buhay mo…mga taong tumutulong, dumaramay at nagmamahal nang walang hinihintay na kapalit… mga taong nagbibigay saya at kalinga sa mga panahong kailangan mo ng masasandalan, sa bawat yugto ng buhay mo… Kaibigan na kahit ano pa man ang mangyari, ay nag-iiwan ng bakas sa buhay mo na kahit kailan ay hinding-hindi mabubura…
Ikaw ba masaya ka ba dahil may kaibigan ka? Kahit mabuti man o masama ang nangyari sa inyong pagkakaibigan, hindi mo maipagkakaila na kaibigan mo pa rin siya…
[Re-blogged]
Comments